Lubusin ninyo ang ḥajj at ang `umrah para kay Allāh ngunit kung nahadlangan kayo ay [mag-alay ng] anumang madaling nakamit na handog.[48] Huwag kayong mag-ahit ng mga ulo ninyo hanggang sa umabot ang handog sa pinag-aalayan dito. Ang sinumang kabilang sa inyo ay naging maysakit o sa kanya ay may isang pinsala sa ulo niya ay [magbibigay ng] isang pantubos na pag-ayuno [ng tatlong araw] o isang kawanggawa [na pagpapakain sa anim na dukha] o isang alay. Kung natiwasay kayo, ang sinumang nagpakatamasa ng `umrah [sa mga buwan ng ḥajj] hanggang sa ḥajj ay [mag-aalay ng] anumang madaling nakamit na handog. Ngunit ang sinumang hindi nakatagpo ay [magsasagawa ng] pag-aayuno ng tatlong araw sa ḥajj at pitong [araw] kapag bumalik kayo; iyon ay ganap na sampung [araw]. Iyon ay ukol sa sinumang ang mag-anak niya ay hindi mga nakadalo sa [paligid ng] Masjid na Pinakababanal.[49] Mangilag kayong magkasala kay Allāh at alamin ninyo na si Allāh ay matindi ang parusa.
[48] gaya ng tupa, kambing, baka, o kamelyo. [49] Ibig sabihin: hindi residente ng Makkah.