Sabihin mo: “Iyon ba ay higit na mabuti o ang hardin ng kawalang-hanggan na ipinangako sa mga tagapangilag magkasala?” Ito para sa kanila ay magiging isang gantimpala at isang kahahantungan.
[Banggitin] ang araw na kakalap si Allāh sa kanila[2] at sa anumang sinasamba nila bukod pa sa Kanya[3] saka magsasabi Siya: “Kayo ba ay nagligaw sa mga lingkod Kong ito o sila ay naligaw sa landas?”
[2] Ibig sabihin: sa mga tagapagtambal [3] Gaya ni Jesus, Maria, Espiritu Santo, mga jinn, mga propeta, at iba pa.
Nagsabi sila: “Kaluwalhatian sa Iyo! Hindi naging nararapat para sa amin na gumawa Kami bukod pa sa Iyo ng anumang mga katangkilik, subalit nagpatamasa Ka [sa Mundo] sa kanila at sa mga magulang nila hanggang sa nakalimot sila sa paalaala. Sila noon ay mga taong napariwara.”
Magpapasinungaling nga sila sa inyo sa sinasabi ninyo saka hindi kayo makakakaya ng isang paglilihis ni isang pag-aadya. Ang sinumang lalabag sa katarungan [dahil sa pagtatambal kay Allāh] kabilang sa inyo ay magpapatikim Kami sa kanya ng isang pagdurusang malaki.
Hindi Kami nagsugo bago mo ng mga isinugo malibang tunay na sila ay talagang kumakain ng pagkain at lumalakad sa mga palengke. Gumawa Kami sa ilan sa inyo para sa iba pa bilang pagsubok. Makatitiis ba kayo? Laging ang Panginoon mo ay Nakakikita.